Sun, 28 Feb 2021

SIM card registration makatutulong kontra cybersex trafficking

Philippine Information Agency
23 Jan 2021, 16:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, Enero 23 (PIA) -- Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang mandatory registration ng mga prepaid SIM cards bilang posibleng paraan ng pagsugpo sa online sexual exploitation of children (OSEC).

Paliwanag ni Gatchalian, ang kawalan ng batas sa SIM card registration ay isa mga hadlang sa mga otoridad sa pagtugis sa mga child cybersex offenders na ginagamit ang teknolohiya upang hindi sila mahuli. Ayon sa isang pag-aaral ng United Nations Office on Drug and Crime noong 2014, ginagamit ng mga child cybersex offenders ang mga disposable na prepaid SIM cards upang hindi sila matunton.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 176 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act, ang mga gumagamit ng mga prepaid SIM cards ay kailangan nang magsumite ng valid ID at larawan at lumagda sa isang control-numbered registration form mula sa service provider ng SIM card. Magbibigay din ng kopya ng naturang registration form sa National Telecommunications Commission (NTC). Unang inihain ni Gatchalian ang panukala noong Hunyo 2016 at muling inihain noong Hulyo 2019.

Matatandaang nagbabala si Gatchalian sa mga ulat ng mga mag-aaral na nagbebenta ng mga malalaswang lawaran at mga video upang makalikom ng pantustos sa distance learning. Ayon sa The Philippine Online Student Tambayan (POST), isang news portal sa sektor ng mga mag-aaral, mga online payment platforms ang ginagamit para sa mga transaksyong ito.

Ayon sa non-government organization na International Justice Mission, ang Pilipinas ang pinagmumulan ng pinakamaraming mga kasong may kinalaman sa OSEC. Paliwanag ng grupo, mas mataas nang halos walong beses ang mga ulat na natatanggap ng Pilipinas sa referral ng mga kaso kung ihahambing sa ibang bansa.

Ngunit pinalala ng pandemya ng COVID-19 ang suliranin ng bansa sa OSEC. Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, mahigit apatnapu't pitong libo (47,937) ang naiulat na mga transaksyong may kinalaman sa OSEC. Mas mataas ito sa labing-siyam na libong (19.000) naitala noong 2019. Dagdag ng opisyal, ang median age ng mga biktima ay labing-isang (11) taong gulang.

"Sa ating pagsugpo sa child pornography, kailangan nating isulong ang lahat ng paraan upang mapabilis ang pagtugis sa mga kriminal sa likod ng mga karahasang ito. Kung magiging batas ang pagpaparehistro sa mga prepaid SIM card, mas mahirap nang makapagtago at makatakas ang mga traffickers na umaabuso sa ating mga kabataan," ani Gatchalian. (PIA NCR)

More Central Asia News

Access More

Sign up for Azerbaijan News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!